
“Buhay MedTech ay Di Biro”
Isinulat ni: Sophia Genesis M. Domingo
“Sana mas maging priority nila yung mga nasa medical field. Hindi lang kaming mga medtech. Kasi hindi biro ang trabaho. Yung puyat, pagod, exposure sa sakit. Kaya konti ang staff sa mga hospital e. Kasi yung iba, nagtiyatiyaga lang ng ilang taon na magtrabaho dito para makakuha ng experience at makaalis ng bansa. Nakakalungkot lang isipin na mas pinapahalagahan pa kami sa ibang bansa kesa sa sarili naming bayan,” hinaing ng isang medical technologist na nagtratrabaho sa isang pampublikong ospital sa bansa.
Bernadette Grace I. Esteban, dalawampu’t tatlong taong gulang at naninirahan sa Victoria, Tarlac. Apat na taon na mula ng siya ay nagtapos ng kusong B.S. Medical Technology at nakapasa ng Board exams. “Mahirap, ngunit kinaya” sabi nga niya. Nagsimula siyang magtrabaho noong 2015, nakatanggap ng basic salary na Php 12,000 o labindalawang libong piso. Ngunit, dahil may allowances at hazard pay na binibigay ang gobyerno, umaabot ng Php 19,000 o labingsiyam na libong piso ang sahod niya. Hindi pa kabilang dito ang tax at mga benepisyo. Sumatutal, nasa Php 17,000 o labingpitong libong piso ang kaniyang naiuuwi sa kanyang pamilya o tinatawag na “take home pay”.
“Para kanino ka bumabangon araw-araw?” isang tanong na kumurot sa kaniyang puso. “Sa pamilya ko, para naman sakanila lahat ito at siyempre para sa future ko” tugon niya. Paggising sa umaga, babangon, maliligo, magbibihis, biyabiyahe o magcocommute, papasok sa trabahong may sampung oras na shift na mula 10 am hanggang 7 pm na nakapokus sa parasitology lamang, pagkatapos ay uuwi, maliligo, kakain kasama ang pamilya at magpapahinga. Ito ang araw-araw niyang routine. Nakakapagod? Nakakasawa? “Hindi naman,” sagot niya. Binanggit niya saamin na “kung mahal mo ang ginagawa mo, kahit gaano kahirap, makakaya mo, malalagpasan mo, lalo na’t iisipin mo, para kay Mama at Papa ito, para sa pamilya mo”.
“Masaya naman. Kasi you’re able to see things na di nakikita ng iba. Fulfilling din kasi alam mo na malaki nakcontribute mo sa community. Kahit na medyo di kami pinagtutuunan ng pansin ng gobyerno” ibinahagi niya saamin nang aming tanungin ukol sa “buhay Medtech” sa Pilipinas. Nais niyang magbigay ng mensahe para sa mga nag-aaral ngayon ng Medical Technology at sa mga susunod na RMT (Registered Medical Technologist) ng bansa, “Isapuso ang lahat ng pinag aaralan. But don’t be too hard on yourself. You are our community’s future. If you ever feel like giving up, isipin mo ulit kung bakit ka ba nandyan. Gawin ninyong inspirasyon ang pamilya niyo. Always keep that fire in your heart. And most importantly, surrender everything to the Lord”.
Isa lamang si Bernadette Grace Esteban sa libo-libong Registered Medical Technologists ng bansa ngayon, na umaasang sana sa susunod na panahon at pagkakataon, mabigyan ng pansin at prayoridad ang mga nagtratrabaho sa ospital, mabigyan ng importansya ng gobyerno, umaasang makakatanggap ng sahod na nararapat para sa kanila.
Buhay medtech nga naman, hindi talaga biro.