
Ang Medical Technology, ayon sa RA 5527 o kilala bilang The Philippine Medical Technology Act of 1969, ay isang bahagi ng pag-aaral ng medisina na nakatuon sa pag-aaral ng mga likodo sa katawan ng isang tao, katulad ng dugo. Ang pag-aaral nito ay isinasagawa sa pamamagitan ng iba’t ibang kemikal, mikroskopiko, at iba’t iba pang mga pamamaraan na tanging ang medical technologist lang ang nakaaalam (Congress, 1969). Sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga likodo sa katawan, ito ay nakatutulong sa doktor upang magkaroon ng mas mainam na pag-aaral, diyagnosis at paggamot sa sakit ng isang pasyente.
Ang mga medical technologists ay madalas nakikita na nagtra-trabaho sa isang laboratoryo, partikular sa Clinical Laboratory o Klinikal na Laboratoryo. Ang Klinikal na Laboratoryo ay isang pasilidad kung saan ang mga ispesimen, katulad ng dugo at ihi ng isang tao, ay kinokolekta, pinoproseso, sinusuri at inaaral upang makatulong sa diyagnosis, paggamot at pag-iwas sa mga sakit (Lieseke et al., 2012).
Upang maging isang medical technologist, kinakailangan na makakuha at makapagtapos ng kursong Bachelor of Science in Medical Technology o Bachelor of Science in Medical Laboratory Science. Ito ay isang apat-na-taong kurso na may kasamang isang taong internship sa isang paaralan na CHED-accredited and laboratoryo. Matapos ang apat na taong pag-aaral, kinakailangang makapag-apply sa licensure examination sa mga ninanais na maging isang Registered Medical Technologist (Congress, 1969).
Gayunpaman, ang mga medical technologists ay may mga kinahaharap pa rin na suliranin tulad na lamang ng kakulangan sa sweldo. Base na rin sa estimasyon na ginawa ng Indeed Staff noong taong 2013, ang karaniwang sweldo ng isang medtech sa bansa ay nasa Php 14,796 lamang. Isa ito sa mga sanhi kung bakit mas pinipili ng ilang mga medtech na pumunta at magtrabaho sa ibang bansa (Institute of Health Policy and Development Studies, 2005). Kaya naman ngayon, ating talakayin and buhay ng isang medtech sa pamamagitan ng mga panayam upang ating ganap na maunawaan ang suliranin na kanilang kinahaharap.