
Kasabay ng patuloy na pag-unlad ng bansa ay kaliwa’t kanang inflation o pagtaas ng halos lahat ng bilihin sa bansa. Isa ito sa mga kinahaharap na hamon ng bawat mangagawang Pilipino sa bansa. Kung susumahin ang lahat ng pakiusap ng bawat mangagawang Pinoy sa bansa, masasabi na isa sa mga pinakagusto nilang mangyari ngayon ay ang pagtaas ng kanilang sahod, bakit? Dahil madalas ay “sakto na lang” o minsan nga ay “kapos talaga” ang kanilang kinikita para sa mga gastusin ng kanilang pamilya. Ang sahod ng isang medical technologist sa isang pribadong ospital ay nasa Php 12,000 Php 15,000 kasama na ang overtime pay (Indeed Staff, 2013). Kung iisipin, kung ikaw ay may pamilya ng apat, may apartment kayong binabayaran ng renta buwan-buwan, may dalawang anak kang nag-aaral, may lingguhang allowance para sa pagkain at iba pang gastusin, hindi talaga ito sasapat lalo na’t kaliwa’t kanan ang pagtaas ng halos lahat ng bilihin at serbisyo sa bansa. Nararapat lamang na pagtuunan ng pansin ng gobyerno natin ang pagbibigay ng mataas na sahod para sa mga mangagawang nagtratrabaho sa bansa lalong lalo na ang mga nagtratrabaho sa ospital at mga laboratoryo. Marahil, karamihan sa mga health workers sa bansa ay nagtratrahao sa Estados Unidos, Australia, Singapore, at iba pang bansa dahil malaki talaga ang diperensiya pagdating sa sahod, minsan doble madalas triple pa nga ang laki nito (Institute of Health Policy and Development Studies, 2005). Isang hamon namin para sa gobyerno ang mabigyan ng karampatang pansin, paghahalaga ang mga health workers sa bansa upang mas lalong gumanda ang healthcare system dito at hindi na mangibang bansa ang halos lahat ng mga Pilipinong nasa medikal na larangan.